Sampung araw na ang nakalipas matapos ang aking ika-20 kaarawan. Masyado nang huli upang batiin pa ako ng maligayang kaarawan ng sinuman.
Noong umaga ng araw na iyon, sinabi sa akin ng isang kaibigan na pagsapit ng alas-siete ng gabi, sama-sama kaming kakain ng hapunan sa Lacxo Grill kasama ang iba pa naming kaibigan. Dapat raw lahat ay nakapormang “kikay”.
Isinuot ko ang aking pinaka-“kikay” na damit noong araw na iyon.
5:30 ng hapon– natapos na ang pinakahuli kong klase para sa araw na iyon. Nagsimula na akong maglakad mula Vega papuntang Lacxo Grill. Hindi ako sumakay ng jeepney dahil nanghihinayang ako sa aking ipapasahe. Pandagdag rin iyon sa pambayad sa kakainin ko mamaya sa Lacxo Grill. Narinig ko mahal raw ang mga pagkain doon kaya naman hindi ako nananghalian para makatipid. Naisip ko, hindi sana ako nagaalala ng ganito kung sapat ang ibinibigay na allowance sa akin ng lola ko. Siguro kung maraming pera ang mommy at daddy ko, hindi na nila kailangan pang umalis sa bahay noong kaarawan ko. Pumunta sila sa Pangasinan upang doon makipagsapalaran ng bagong negosyo. Naging masaya sana ang nakaraang kaarawan ko kung buo ang pamilya ko noong araw na iyon kahit na walang handang masasarap na pagkain.
Habang nalalanghap ko ang usok mula sa mga tambutso ng mga jeepney na aking nadaanan, iniisip ko na mabuti na lang at naglakad lang ako dahil nauunahan pa ng mga paa ko sa pag-usad ang mga gulong ng mga sasakyan.
Alas-siete na nang makarating ako sa Lacxo Grill. Naroon na ang tatlo kong kaibigan. Ako lang ang nakapormang “kikay”. Pakiramdam ko ay pinagkaisahan ako.
Sa mesa namin, may nakahain na chocolate cake, sisig, chicken honey, omelet, banana boat at kanin. Mayroon ding palumpon ng limang maliliit na iba’t-ibang kulay na lobo at puting kahon na may kulay rosas na laso. Isang tingin ko pa lamang sa mga pagkain ay nawala na ang aking pagod sa malayong nilakad. Masaya ako at sa wakas, makakakain na rin ako dahil kanina pa kumakalam ang sikmura ko sa gutom.
“Happy birthday to you. Happy birthday to you. Happy birthday, happy birthday… happy birthday to you!” awit ng mga kaibigan ko na may kasama pang palakpak.
“Salamat!” sabi ko, sabay ngiti.
Inabot sa akin ng isa kong kaibigan ang mga lobo.
“Buksan mo na ang regalo namin sa’yo!” sabi ng isa ko pang kaibigan habang inaabot ang maliit na kahon.
Magkahalong tuwa at hiya ang naramdaman ko ng pagkakataong iyon. Gusto kong matuwa dahil naramdaman kong espesyal ako sa mga kaibigan ko. Gusto ko ring mahiya dahil sila pa ang nag-blow-out sa akin na ang dapat ay ako. Ayaw ko pa sanang buksan ang kahon dahil baka lalo akong manliit sa hiya kapag nalaman ko kung ano ang nasa loob nito. Baka lalo kong maramdaman na hindi ako karapat-dapat bigyan ng isa o higit pa sa isang surpresa gaya nito.
“Buksan mo na! Siguradong magugulat ka kung ano ang laman niyan.”
Magugulat? Ipis kaya o daga ang laman ng kahong hawak ko? Baka pinagkakaisahan na naman ako ng mga kaibigan ko. Baka gusto nilang makita kung ano ang magiging reaksyon ko sa oras na tumalon na sa mukha ko kung ano ang laman ng kahon.
Binuksan ko ang kahon. Taliwas sa inaasahan ko ang aking nakita. Punong-puno ito ng mga nakabilot na kulay rosas na papel. Bawat isa ay tinali ng maninipis na kulay rosas rin na laso. Kada papel ay may nakasulat na pagbati mula sa iba pa naming kaibigan sa organisasyon at simbahang aming kinaaaniban.
Nais kong maiyak sa pagkatuwa ng mga oras na iyon. Kahit kaunti lang ang pera ko at hindi ko nakapiling ang aking mga magulang noong aking kaarawan, napalitan naman ang pag-aalala at lungkot ng pagmamahal mula sa aking mga kaibigan.
Maya-maya ay dumating ang iba pa naming kaibigan upang makisalo sa aming kasiyahan.
Sampung araw na ang nakalipas matapos ang aking ika-20 kaarawan. Masyado nang huli upang batiin pa ako ng maligayang kaarawan ng sinuman. Akala ko ay walang may kayang pabalikin ang mga nasayang na panahon ngunit sa araw na ito, biglang umandar ng pabalik ang kamay ng orasan.